Pangarap ni Fahed

Poetry by | August 24, 2014

Salaysay sa akin ni Inay
Nasa sinapupunan pa lamang ako
May digmaan nang sumiklab sa Gaza.
At nang pumasok ako sa Madrasah
Natigil naman itong pansamantala
Dahil binomba pati ang aming eskwela.
Kahit na noong minsang nakipaglaro ako
Sa kalsada kasama sina Bashaar at Saleh
Nagsasalitan ang aming mga sigaw
Sa nakabibinging putukan ng mga baril.
Napakalalim ng sugat sa mukha ng galak
Pagkat sa lupa sindak ang namumulaklak.
Sa bayan walang nakakikilala
Nang dalisay na pagmamahal
Pagkat ang laging nakakasalamuha
Sa palibot ay ang matinding poot.
Mapusyaw ang kulay ng bukas
Pagkat ang usok ng pulbura’y
Ulap na humahabong sa papawirin.
Ngunit may pakpak ang aking pangarap
Matulin naming liliparin ni Buraq
Ang paraisong bukal ng karunungan,
Isang masigasig na pakikipagsapalaran
Na tanging layunin ay sunsunin
Ang kapayapaang kaytagal nang naglaho
Kasabay ng aming mga awit, tula at kuwento,
Mga pamanang itinatangi ng buong lahi.


Mr Bacong studied AB Sociology at the Ateneo de Davao University. He loves to travel.

Paghahanap ng Dagat sa Switzerland

Nonfiction by | July 6, 2014

Sa isang Dabawenyong tulad ko na halos nasa bakuran lamang ang dagat, ay di maitatuwang kasingkahulugan ng dagat ang pagiging masaya, pagdiriwang, pagpapahinga mula sa araw-araw na kalakaran, karaniwan at masaganang buhay. Kung kaya’t hinanap ko ito bago pa man napanatag ang loob ko sa Switzerland. Ngunit nabigo ako sa paghahanap na ito. Oo, maraming anyong-tubig sa Switzerland subalit wala ni isa man sa mga ito ay tubig-dagat. Lahat ng tubig sa lawa at ilog ay nanggagaling sa mga natutunaw na niyebe buhat sa nagtatayugang mga alpina na nakapalibot sa maliit na bansang matatagpuan sa gitnang kanluran ng Europa.

Dahil nahirapan akong tanggapin ang katotohanang wala talagang dagat sa bayang nakilala ko lamang noon sa mga makikintab na larawan sa kalendaryo’t libro, ay nagpasya akong hanapin ito sa ibang lugar. Mag-iisang taon pa lamang ako noon sa Switzerland ngunit pakiramdam ko’y dekada nang di ako nakalusong sa dagat. Laking pasalamat ko nang naunawaan ng aking katuwang ang pangangailangan kong ito. Isang araw pagkagaling ko sa Alpha Sprachschule Zuerich, kung saan ako nag-aral ng lengguwaheng Aleman, ay nakalatag sa mesa ang isang makulay na magasing nagbebenta ng mga bakasyon sa mga destinasyong maaraw at may dagat di lamang sa Europa kundi maging sa iba pang kontinente. Lumundag sa galak ang puso ko sa aking natunghayan.

Continue reading Paghahanap ng Dagat sa Switzerland

Sa Panahon ng Internet at Cellphone

Poetry by | December 9, 2012

Ipinagbubunyi natin ang pagdagsa
Ng mga gadyet na tila infusyon
Nating ikinakabit sa ating mga ugat.
Sapagkat kundi man tayo iga
Sa tango at pansin ng mga kakilala
Ay takot tayo sa mga sandali ng ating pag-iisa.
Kinakabahan tayong manatili sa isang silid
Na istakato lamang ng ating pulso at dibdib
Ang mauulinig sa kinasasadlakang paligid.
Kaya sa halip na ang isip ay makikumpas
Makidama sa pagitan ng bawat paghinga
Pagbubulaybulay at pagkilala sa pagkatao
Ay abala tayo sa pagpindot ng mga teklado
At pagbuo ng mga niritokeng teksto’t litrato
Gayong kinakatay lamang natin ang saysay
Ng ating mga panaginip at paglalakbay ng malay.


Edgar Bacong studied AB Sociology at the Ateneo de Davao University, and now lives in Zurich, Switzerland.

Ang Basurero

Poetry by | October 14, 2012

Binubuhay ako ng mga berde at puting botelya
Na natatagpuan ko sa mga bundok ng basura
Namumuhay ako sa lawa ng latak
Samantalang nagpipista ang ilan sa alak
Kailangan kong mabuhay sa mundong ito
Kundi walang tagalikom sa kalat ninyo
Sa tuwing nahahalukay ko ang mga botelya
Kasama ang mga plastik at kalawanging lata
Ay pinapaubaya ko silang maghalo
Sa isang matibay at maluwang na sako
Hindi inihihiwalay ayon sa kulay at anyo
Gaya ng pagbubukod ng lipunan sa tao
Silang mga itinapon at walang buhay
Ang umaalalay sa binabasurang buhay.


Edgar Bacong studied AB Sociology at the Ateneo de Davao University. He now resides in Zurich, Switzerland.

Awit ni Schamsia

Poetry by | April 8, 2012

Sa Afghanistan mahigpit na ipinagbabawal
ng grupong Taliban sa mga kababaihan
ang pumasok sa paaralan upang mag-aral.

Ang sinumang sumuway sa patakarang ito
ay tahasang pinaparusahan sa pamamagitan
ng pagliligwak ng asido sa mukha.

Nobyembre 2008.
Pinili kong idiin ang lapis
Kaysa magkuskos ng dungis.
Magbuklat ng mga aklat
Kaysa magsulsi ng hijab.
Magsaliksik sa pali-paligid
Kaysa mag-igib lagi ng tubig.
Nais ko lamang ipabatid
Babae man ay may himig:
Makaniig ang lawak ng kaalaman,
Maglinang ng sariling kapasyahan,
Kaya lusawin man ng asido
Ang buo kong pagkatao
Iluluwal ng kaluluwa ko’y pangarap
Na susuhay sa dalisay na hinaharap
At magbibinhi ng karunungang
Magpapalaya sa aking angkan.

(hijab- katagang Arabiko na nangangahulugang kurtina o di kaya’y belo na pantakip sa mukha ng mga kababaihang Muslim)


Edgar Bacong studied AB Sociology at the Ateneo de Davao University, and now lives in Zurich, Switzerland.

Pagdalaw sa Houston

Poetry by | January 29, 2012

(kina Archie at Joey)

Walang makasaysayang edipisyo ng syudad
ang nag-iwan ng matingkad na palatandaan
sa lupalop ng aking gunita.
Kundi tanging mabibilog na mukha
ng matalik kong mga kaibigang
may ilang taon na ring di ko nayakap
ng mahigpit sa kanilang mga kaarawan.
O di kaya’y naiabot man lamang ang kamay
sa mga sandaling diwa’y nag-aapuhap
ng katiyakan sa pangingibang-bayan.
Kaya nitong muling pagtatagpo
lubos kong kinagiliwan ang gabi-gabi
naming paglatag ng mga nakasalansang
karanasan sa lihim na kilusan at tanghalan.
Minsa’y napabuntong-hininga kami
sa mga kakilala’t kasamang pinaslang.
Minsan nama’y biglang napahagikhik
sa mga pag-ibig na di naipahiwatig
sa mga kapwa mandudula sa teatro.
Binagtas na ng aming mga talampakan
ang liku-liko’t mabatong disyerto.
Ngunit bumabalik at bumabalik kaming tatlo
sa pagtunton sa mga kalyehon ng nakaraang
kaytitingkad ng mga palatandaang iminuhon
ng aming mga di malimot-limot na kahapon.


Edgar Bacong studied AB Sociology at the Ateneo de Davao University, and now lives in Zurich, Switzerland.

Nang Mauso ang Cellphone at Kompyuter

Nonfiction by | July 17, 2011

Mapagkandili sa akin ang Daang Boulevard, ang lunan ng aking kamusmusan, kahit na sabihing pugad ito ng mga lumpen at maralitang tagalunsod. Kaya sa taunang pag-uwi ko ng Dabaw upang bisitahin ang mga mahal ko sa buhay, ay di ko ito nakakaligtaang dalawin tulad ng pagdalaw ko sa matatalik kong mga kaibigan. Sa muli kong pangungumusta sa kanyang mga iskinita ay nakakatawag-pansin ang mga pisikal na pagbabagong nagaganap dito. Wala na ang munting kapilya ng Inang Laging Saklolo sa dati nitong kinatatayuan, na naging saksi sa kalikutan ko at sampu ng aking mga kababata tuwing Flores de Mayo at kapistahan nito. Ang mga simpleng bahay na gawa sa kahoy kundi man iginupo nang kabulukan ay hinalinhan na ng mga konkretong gusali. Naglaho na rin ang mga hahapay-hapay na tulay na umuugnay sa mga kabahayan sa looban. Maging ang kaisa-isang malapad at lubak-lubak na kalsada na nagsilbing palaruan ng mga batang tagaroon ay pinakinis na ng aspalto at pinakitid ng pagbabago. Pakiwari ko tuloy lahat ng palatandaan ng aking kabataan ay sabay na naparam nang ako’y mangibangbayan. Inaamin kong ikinakikirot ito ng aking puso. Lalo na nang mapansin kong wala na ni isa mang laro namin noon gaya ng taguan, tumbang-preso, syatong, piko, sungka at marami pang iba ang nanatili sa hanay ng mga bagong sibol.

Continue reading Nang Mauso ang Cellphone at Kompyuter

Facebook Account

Poetry by | April 17, 2011

Profile Pic:     Ipapaskil
     Mukhang nagkukubli ng (p)angil

Status:     Iniuulat
     Kahungkagan ng diwa’t ulirat

Wall:     Ipinapaalam
     Bawat hakbang ng pagmamanman

Albums:     Inilalahad
     Katauhang nanghahagilap ng galak

Friends:     Isinasalansan
     Mga ngalang walang namagitan

Links:     Iniuugnay
     Sariling buhay sa mga patay

Message:     Umiinog ang buhay sa integrasyon
     Hindi sa mekanisasyon.


Edgar Bacong is author of “Habagat at Niyebe”, published by Mindanews and Tuluyang Pinoy Zurich in 2004.