Nang Magmahal ang Makata

Nonfiction by | January 14, 2018

Pinasalamatan mo ang sarili nang sabihin kong itinanghal ang bago kong tula sa website ng mga bagong Pilipinong makata. Natawa ako sa hirit mong iyon. Sabi mo, kay husay mong inspirasyon. Hindi na ako nag tangka pang kumontra dahil inaasahan ko rin naman na hindi mo pa rin ako hahangaan. Igigiit mo pa rin na ikaw ang lumilikha ng mga imahe ng aking tula at hindi ako mismo.

Marahil tama ka. May kulang dalawang buwan pa lamang nang sinubukan kong gumawa ng mga tula. Ang isang buwan pa doon, hindi ako seryoso. Nitong huli ko na lang natutunang mahalin ang pagsusulat ng tula. Pero ikaw, matagal na. Matagal na kitang pinaghuhugutan ng inspirasyon. Mag-iisang taon na rin pala mula sa araw na iyon nang naramdaman kong may sariling buhay ang paghanga ko sa iyo; tuluy-tuloy na siyang lumikha ng kung anu-anong bagay, ng mga imahe hanggang sa makabuo ng mga tula. Hindi ko na nga ito napigilan hanggang napansin mong kawangis mo ang bawat nilikha ko. Tila mga pilas ng iyong pagkatao na pilit kong ginagawan ng isang disenyo sa puso ko. Hindi ko malaman ang mga reaksyon ng iyong mukha sa tuwing babasahin mo ang sarili mo sa aking mga katha. Siguro ay nasasabi mo, hindi ako ito o kaya hinuhusgahan kita ayon sa lente ko. Pwede ring tama, naisip ko. Baka tama rin ang mga hinala ko. Hindi ko lang talaga mahuli ang pagguhit ng ngiti sa iyong labi at ang ningas sa iyong mga mata na maaring magpakahulugan ng iyong galit o saya. Marahil ayaw mong makita ko ito. O di kaya ayaw mong makita ang mga isinusulat ko para sa iyo. Dahil hindi ka interesado at hindi mo nagugustuhan ang mga imaheng nabubuo ko. Gayunpaman, lahat ng ito ay haka-haka ko lamang at hindi ako sigurado kung tama.

Magaling ka kasi. Kung ikukumpara sa akin, may sampung taon ka nang nagsusulat. Hindi na rin ako magtataka kung kahanay na ng iyong pangalan si Maningning Miclat at Benilda Santos sa bata mong edad. Kahit hindi ka pa nakakapaglabas ng koleksyon ng tula mo, alam kong diyan sa utak mo, may nakasilid na pumpon ng tula na hango sa iba’t-ibang inspirasyon. Ang hindi ko lang matiyak ay kung kahit minsan ba sa mga nilikha mo ay tiningnan mo ang mukha ko at saka sinimulang sumulat. May sarili kang istilo at sabi mo nga, formalist ako at ikaw ang post-modernist. Kung ano man ang kaibahan nila, hindi ko pa rin masyadong alam. Dalawang buwan pa lang ako nagsusulat at imposibleng maintindihan ko ang mga ganitong teknikal na bagay lalo na kung magmumula sa isang beteranong manunulat na tulad mo. Pero sa totoo lang, kung maniniwala ka, sa loob ng maikling panahon na iyon, lalong lumalim ang mga imaheng nabubuo ko mula sa iyo. Ewan ko lang kung napapansin mo lalong lumalim ang pag-ibig ko.

Hindi ka naninimbang at lalong hindi ka nanunukat. Ito ang sabi mo sa akin. Wala kang pakialam kung gaano na ang nararating ng damdamin ko para sa iyo. Kung gaano man ito kalalim ay hindi mo na gustong malaman. Alam ko naman noon pa, matigas lang talaga ang ulo ko. Kahit minsan ay hindi ko naramdaman na naging espesyal ako sayo. Sa kabila ng mga pinakita kong pagmamalasakit, sa kabila ng mga bago kong tula pilit mong iniiwas na magkasalubong ang ating mga loob. Para akong makatang nakikiamot ng inspirasyon na ibubuhos ng ulan sa tag-araw sa tuwing maghahasik ito ng bendisyon. At pipilitin kong yakapin ang mga patak nito kahit tumatagos lang sa aking katawan at pagkatapos ay tinutuyo lamang ng araw. Pinaramdam mo lang na buhay ka pero ang init ng buhay mo, yun ang gusto kong mahawakan at ito ang bagay na hindi ko magawa. Siguro kapag nagawa ko iyon, mas konkreto ang mga imaheng mabubuo ko. Iyon na siguro ang magiging simula ng pagiging totoo kong manunulat.

Hindi nagsisimula at hindi nagwawakas ang pag-ibig ko sa iyo sa loob ng mga tula at kahit pa maging konkreto pa ang mga imahe ko sa darating na mga panahon. Sapagkat kailanman ay hindi ko nilagyan ng umpisa at katapusan ang damdamin kong ito. Marami pa sana akong mga bagong imaheng ipapamalas sa iyo at katulad mo, gusto ko ring magkaron ng sariling libro ng mga tula tulad ng mga idolo nating si Cirilo Bautista at Michael Coroza. Kung sana lang, kung sana lang na makagawa tayo ng pinagsama nating likha sa isang koleksyon, ako na siguro ang pinakamasayang makata sa araw na iyon. Pero tila malayo pa ang aabutin nang paghihintay ko para lang matutunan mo sigurong mahalin ang mga tula ko . Dahil malabong mapantayan ko ang puso mo na pilit mong inilalayo. At sa puntong ito, damang-dama ko ang pagitan natin; ang malawak na espasyo na dapat ko pang tawirin o dapat ko na nga bang talikuran upang maghanap ng bagong inspirasyon. Mahirap magtiwala sa walang kasiguraduhan, pero hindi mo rin malalaman kung gaano kalayo ang mararating sakaling sumugal ka man. Sa mga oras na ito isa lang ang naiisip ko. Itutuloy ko ang sumulat ng mga tula.

Alam kong alam mo na kay layo na rin nang narating nang paglalandas ng aking mga salita para lang dantayan ang iyong puso at samahan kang gumuhit ng mga panaginip. Pero kung totoong ganito ka kahusay at alam mo ang mga bagay tungkol sa akin, ang ipinagtataka ko lang bakit ni minsan wala kang ginawang tula para sa akin?


Avelth Castro Belicena. Pagkatapos sumali sa palihan ng IYAS, naligaw siya sa Mindanaw at nag-iwan ng marka sa Surigao, Misamis, Lanao, Butuan, Tagum at Davao bilang isang milagrosang mandirigma. Ngayon ay nahanap niya ang daan pauwi bilang reyna kasama ng kanyang dalawang prinsesa sa puso ng QC.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *